Back

BTECH LABAN: LABANAN ANG BAWAL NA GAMOT AT ABUSONG SEKSWAL NG NAGKAKAISA

Isinulat ni: Irving Q. Bautista


Sa pangunguna ng Tanggapan ng mga Serbisyong Pangpapaunlad ng mga Mag-aaral (OSDS) sa ilalim ng pamumuno ni G. Emerson C. Perez, katuwang ang mga Tagapamahala ng Pagdidisiplina ng Kolehiyo, Mas Mataas na Paaralan, at BCFA na sina G. Irving Q. Bautista at G. Raul O. Samson, at sa pakikipagtulungan ng Tagapamahala ng mga Gawaing Pangpapaunlad ng mga Mag-aaral na si Gng. Ma. Theresa Z. Carprio, buong OSDS, iba pang kawani, at mga pinuno ng Dalubhasaan. matagumpay na naisakatuparan ang Drug Awareness at Sexual Harassment Seminar na may temang BTECH LABAN: Labanan Ang Bawal na gamot at Abusong sekswal ng Nagkakaisa para sa mga mag-aaral ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (Baliwag Polytechnic College – BTECH).

Ang naturang gawain ay naging posible rin sa tulong at suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa pamumuno ng mahal na Mayor Mommy Sonia Viceo-Estrella.

Layunin ng seminar na palawakin ang kamalayan ng mga mag-aaral tungkol sa panganib ng ilegal na droga, patatagin ang kampanya para sa isang ligtas at drug-free na paaralan, at higit pang palalimin ang pag-unawa sa gender-based harassment at sa mga patakarang nagtataguyod ng ligtas na espasyo sa loob ng institusyon.

Pangkalahatang Takbo ng Programa

Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng mga mensaheng nagmula sa mga pinuno ng Dalubhasaan na sina Dr. Aida S. Ramos, Pangalawang Pangulo sa Pang-Akademiko at Pananaliksik; Dr. Emiterio L. Tiburcio, Pangulong Emeritus; at Atty. Robert John I. Donesa, Pangulo at Tagapangasiwa ng Dalubhasaan. Sa kanilang mga pahayag, binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon, disiplina, at paghubog ng malusog na pananaw at pagpapahalaga ng kabataan.

Unang Sesyon: Drug Awareness

Pinangunahan ang unang sesyon ng panauhing tagapagsalita na si IA V. Liwanag B. Sandaan, Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan. Ibinahagi niya ang isang malawak at komprehensibong talakayan tungkol sa iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na gamot at ang malubhang epekto nito sa pisikal, sikolohikal, at panlipunang aspeto ng buhay ng isang tao.

Binigyang-diin ni Agent Sandaan ang panganib ng droga sa kalusugan, pag-uugali, pagganap sa pag-aaral, at kinabukasan ng kabataan, gayundin ang mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Tinalakay rin ang mahalagang papel ng kabataan sa pagtatatag ng isang komunidad na malaya sa droga.

Nagpakita ng aktibong pakikilahok ang mga mag-aaral sa isinagawang open forum, kung saan sila ay malayang nagtanong at nagbahagi ng kanilang mga pananaw at karanasan.

Ikalawang Sesyon: Sexual Harassment Awareness

Ipinagpatuloy ang seminar sa hapon sa pamamagitan ng Sexual Harassment Awareness Session, na pinangunahan ni PSSg Michelle T. Miranda mula sa Children and Women’s Desk Office ng PNP Baliwag. Ipinaliwanag niya ang iba’t ibang anyo ng sexual harassment alinsunod sa umiiral na mga batas at patakaran, kabilang ang mga sitwasyong maaaring mangyari sa paaralan, lugar ng trabaho, at pampublikong espasyo.

Tinalakay rin ang mga kongkretong hakbang sa pag-iwas, gayundin ang wastong proseso ng pag-uulat at paghawak ng mga kaso, kabilang ang dokumentasyon, reporting mechanisms, at ang papel ng mga tagapagpatupad ng batas at support units. Hinikayat ang mga mag-aaral na maging mulat sa kanilang mga karapatan, magsalita laban sa pang-aabuso, at aktibong makibahagi sa pagpapanatili ng isang ligtas, magalang, at makataong kapaligiran.

Pangwakas na Mensahe at Pagtataya

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng pangwakas na mensahe si Prop. Al-Lawrence G. Cruz, Pangalawang Pangulo sa Pangangasiwa at Pananalapi, kung saan kanyang binigyang-diin na ang pang-aabuso—maging ito ay may kaugnayan sa droga o sekswal na karahasan—ay isang seryosong usapin na nangangailangan ng pagkakaisa, malasakit, at responsableng pagkilos ng buong komunidad ng paaralan.

Sa kabuuan, naging matagumpay at makabuluhan ang seminar sa pagbibigay ng mahahalagang kaalaman tungkol sa drug prevention at gender-based protection. Pinagtibay nito ang patuloy na pangako ng BTECH sa pagsusulong ng kaligtasan, disiplina, kagalingan, at responsableng pagkamamamayan, sa loob at labas ng Dalubhasaan.

Muling pinatunayan ng gawaing ito na ang BTECH ay nananatiling matatag na katuwang ng komunidad sa pagtataguyod ng isang paaralang ligtas, disiplinado, at tunay na nakatuon sa kapakanan ng kabataan.