Back

MEDIATION COURSE FOR HIGHER EDUCATION INSTITUTIONS SA REHIYON III

Isinulat ni: Irving Q. Bautista


Lumahok ang Direktor ng Tanggapan ng mga Serbisyong Pangpapaunlad ng mga Mag-aaral (Office of Student Development Services) ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) na si G. Emerson C. Perez, kasama ang Tagapamahala ng Pagdidisiplina (Prefect of Discipline) na si G. Irving Q. Bautista, sa isinagawang 3-Day Mediation Course for Higher Education Institutions sa Rehiyon III noong Oktubre 21, 22, at 23.

Ang naturang pagsasanay ay inorganisa ng Commission on Higher Education (CHED) Region III bilang bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na paigtingin ang kakayahan ng mga opisyal ng Higher Education Institutions (HEIs) sa makatao, sistematiko, at epektibong pagresolba ng mga alitan sa loob ng akademikong komunidad.

Malugod na tinanggap ang mga kalahok nina Dr. Lora L. Yusi, Regional Director ng CHED Region III, at Ms. Jojie Balanag ng CHED Legal and Legislative Services (LLS). Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin nila ang mahalagang papel ng mediation at Alternative Dispute Resolution (ADR) sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at maayos na ugnayan sa loob ng mga institusyong pang-edukasyon.

Unang Araw: ADR Systems at Mga Batayan ng Mediation

Nakatuon ang unang araw ng pagsasanay sa Alternative Dispute Resolution (ADR) Systems sa Pilipinas, na tinalakay ni Atty. Brenda Jay Angeles-Mendoza, isang Recognized Neutral ng MedNet. Ipinresenta niya ang iba’t ibang mekanismo ng ADR at ang kahalagahan ng mga ito bilang mabisang alternatibo sa pormal na paglilitis sa hukuman.

Kasunod nito ay ang talakayan hinggil sa The Anatomy and Analysis of Conflict at Fundamentals of Mediation, na pinangunahan ni Ms. Vilmi S. Quipit, isang Recognized Neutral ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Sa sesyong ito, masusing tinalakay ang mga pinagmumulan ng alitan at ang mga pundamental na prinsipyo ng mediation bilang isang epektibong paraan ng resolusyon.

Ikalawang Araw: Papel ng Mediator at Mga Yugto ng Mediation

Ipinagpatuloy sa ikalawang araw ang mas malalim na pagtalakay sa Fundamentals of Mediation, na sinundan ng paksang The Mediator, na ipinresenta ni SACP Jewelyne Jovette B. Valenton-Carreon, isang Accredited Practitioner ng Office for Alternative Dispute Resolution (OADR). Tinalakay niya ang mga tungkulin, katangian, at etikal na responsibilidad ng isang mediator.

Kasunod nito, muling pinangunahan ni Atty. Brenda Jay Angeles-Mendoza ang diskusyon sa Stages of Mediation, kung saan malinaw na ipinaliwanag ang sunod-sunod na proseso ng mediation, mula sa paghahanda hanggang sa aktuwal na resolusyon ng alitan. Nagtapos ang ikalawang araw sa isang open forum, na nagbigay-daan sa aktibong partisipasyon, pagbabahagi ng karanasan, at paglilinaw ng mahahalagang konsepto mula sa mga kalahok.

Ikatlong Araw: Simulation Exercise at Pagkilala sa Mahuhusay na Mediator

Sinimulan ang ikatlong araw sa pamamagitan ng Breakout Simulation Exercise hinggil sa Stages of Mediation, kung saan hinati ang mga kalahok sa tatlong grupo. Pinangunahan ang bawat breakout room ng mga dalubhasa sa larangan ng mediation:

  • Room 1 – Ms. Vilmi S. Quipit
  • Room 2 – SACP Jewelyne Jovette B. Valenton-Carreon
  • Room 3 – Atty. Brenda Jay Angeles-Mendoza, Recognized Neutral, MedNet

Sa naturang simulation exercise, aktibong ginampanan ng mga kalahok ang papel ng mediator at mga partido sa alitan, na nagbigay ng praktikal at makatotohanang karanasan sa aktuwal na proseso ng mediation.

Bilang pagkilala sa kanilang kahusayan at kakayahan, pumili ng tatlong (3) natatanging mediator sa bawat breakout room. Ikinararangal ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH), sa patnubay ng pinuno nito na si G. Emerson C. Perez, na mapabilang sa mga kinilalang mediator ang Tagapamahala ng Pagdidisiplina, si G. Irving Q. Bautista, bilang patunay ng kanyang propesyonalismo, dedikasyon, at husay, sa epektibong pagresolba ng alitan.

Pagtitibay ng Pangako sa Makataong Disiplina

Ang paglahok ng mga opisyal ng OSDS ng BTECH sa 3-Day Mediation Course ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng Dalubhasaan sa makatao, makatarungan, at responsableng pamamahala ng disiplina at mga usaping pangmag-aaral. Ang mga kaalamang natamo mula sa pagsasanay ay inaasahang magsisilbing mahalagang gabay sa higit pang pagpapaigting ng kultura ng diyalogo, respeto, at kapayapaan sa loob ng kanilang Dalubhasaang Mahal.