Back

Lupon ng mga Katiwala ng BTECH, Nagpatibay ng mga Benepisyo para sa Kawani at mga Programang Pang-akademiko

Isinulat ni: Reyna Rodie Lyn Cruz


BALIWAG, BULACAN — Matagumpay na idinaos ang pagpupulong ng Lupon ng mga Katiwala ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) noong ika-27 ng Oktubre 2026 sa Bulwagan ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag. Kabilang sa mahahalagang kapasyahang pinagtibay ng Lupon ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga guro at kawani, pagbubukas ng mga bagong kursong pangteknikal at bokasyonal sa ilalim ng TESDA, at paglikha ng mga bagong casual positions upang higit na matugunan ang pangangailangan ng dalubhasaan.

Larawan mula kay G. Al-Lawrence G. Cruz

Pinagtibay ng Lupon ang paglalaan ng mahigit-kumulang na ₱9 milyon para sa mga karagdagang benepisyong matatanggap ng kaguruan at kawanihan sa panahon ng kapaskuhan. Kabilang din sa mga napagtibay na pasiya ang pagbubukas ng 13 casual positions para sa mga guro at anim para sa mga katuwang sa pangangasiwa. Inaasahang magbibigay ang mga bagong katungkulan ng karagdagang oportunidad sa mga kawani, lalo na sa mga matagal nang naglilingkod sa Dalubhasaan.

Pinalalawak din ng Dalubhasaan ang suporta nito sa mga mag-aaral ng Batsilyer ng Agham sa Pagtutuos (BSA) sa pamamagitan ng pagpapatibay ng panukala ni Acct. Norman C. Ramon, Tagapangasiwa ng BSA, na magtatag ng in-house Certified Public Accountant (CPA) Review Program sa BTECH.

Sa kasalukuyan, nagtutungo pa sa Pampanga ang mga mag-aaral upang maghanda para sa pagsusulit ng mga sertipikadong pampublikong tagatuos. Sa pagtatatag ng sariling programa, tinatayang 61.2% ang matitipid ng Dalubhasaan sa gastusing kaugnay ng kasalukuyang paraan ng paghahanda.

Ipinangako din ni Acct. Ramon sa Lupon na tataas nang 40% ang bilang ng mga mag-aaral na papasa sa pamamagitan ng palatuntunang ito. Sa pamamagitan ng panloob na CPA Review Program, lalong mapapalapit sa mga mag-aaral ang kinakailangang paghahanda para sa pagsusulit at mabibigyan sila ng masusing paggabay upang higit na mapalawak ang kanilang pagkakataong makamit ang kanilang mithiin na maging mga sertipikadong pampublikong tagatuos.

Kasabay ng pagpapahusay ng mga programang pangkolehiyo, isinusulong din ng Dalubhasaan ang pagpapalawak ng mga pagkakataon para sa teknikal-bokasyonal na pagsasanay.

Bilang tugon sa panawagan ng Philippine Polytechnic Education Network (PhilPEN) at ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) hinggil sa multi-path curriculum, pinagtibay ng Lupon ang pagbubukas ng 20 kurso ng Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (TESDA) at ang pagtatatag ng isang sentro ng pagtatasa sa Dalubhasaan.

Samantala, ipinagpaliban muna ng Lupon ang pag-apruba sa panukalang mga bayarin para sa mga mag-aaral ng Instituto ng Pangangasiwa ng Mabuting Pagtanggap at Turismo (IHTM). Nais pa ng Lupon na linawin at pagbutihin ang panukala bago ito muling talakayin sa susunod na pagpupulong. Sa muling pagsusuri, bibigyang-pansin ang epekto ng mga bayarin sa mga mag-aaral at ang pangako ng Dalubhasaan na maghatid ng mahusay at libreng edukasyon.

Sa usapin naman ng mga pasilidad, ipinaalam ni Pangalawang Pangulo sa Pangangasiwa at Pananalapi, G. Al-Lawrence G. Cruz sa Lupon na magsisimula na ang pagsusuring pang-gusali sa kalagayan ng Gusaling BMG. Magbibigay ang pagsusuring ito ng batayan para sa pagtukoy sa kalagayan ng gusali at sa mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan nito.

Bilang isa pang hakbang sa pangingilak, humingi ng pahintulot ang Samahan ng mga Guro ng BTECH o BTECHFA na magsagawa ng Zumba Fundraising Project sa darating na Disyembre. Magtatakda ang samahan ng ₱50 na halaga sa mga lalahok, kabilang ang mga mag-aaral, guro, kawani, alumni, at iba pang katuwang ng Dalubhasaan. Sinuportahan naman ng kinatawan ng Sangguniang Mag-aaral ang panukala, sa pagkilalang kabilang ang mga mag-aaral sa mga pangunahing makikinabang sa nasabing proyekto.

Bukod sa mga napagtibay na pasiya, muling sinuri ng Lupon ang posibilidad ng pagkakaroon ng institusyunal na insurance para sa mga mag-aaral, guro, at kawani ng Dalubhasaan. Nagpahayag ng matibay na suporta si Kon. Rodrigo “Ogie” E. Baltazar sa panukala, lalo na para sa mga mag-aaral na lumalabas ng kampus para sa mga gawaing pang-akademiko at iba pang opisyal na aktibidad, na maaaring malantad sa panganib ng aksidente. Inaasahang muling tatalakayin ang panukalang ito sa susunod na pagpupulong ng Lupon. Sa pamamagitan ng mga talakayan at pasiyang ito, patuloy na tinutugunan ng Lupon ng mga Katiwala ang mga pangangailangan ng Dalubhasaan, habang pinagtitibay ang mga hakbang para sa kapakanan ng mga kawani, pag-unlad ng mga mag-aaral, at pagpapahusay ng paglilingkod ng institusyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *