
Mga Batang Baliwagenyo, Nagpakitang-Gilas sa Kasaysayan sa Bungkos-Talino Quiz Bee
Isinulat ni: Reyna Rodie Lyn Cruz
BALIWAG, BULACAN — Nagpakitang-gilas sa kaalaman sa lokal na kasaysayan ang mga kabataang Baliwagenyo sa taunang Bungkos-Talino Quiz Bee, na ginanap noong Setyembre 8, 2026 sa Paaralang Sentral ng Hilagang Baliwag.
Lumahok sa patimpalak ang 22 pampublikong mababang paaralan at pitong mataas na paaralan sa Baliwag, kung saan nagtagisan ang mga mag-aaral sa kanilang kaalaman hinggil sa kasaysayan ng Baliwag, gayundin sa buhay at ambag ng mga kilalang personalidad ng lungsod.
Ang mga katanungan para sa Bungkos-Talino Quiz Bee ay binuo ni Dr. Emiterio L. Tiburcio. Kabilang ngunit hindi limitado sa kaniyang mga sanggunian ang aklat na Baliwag Then and Now ni G. Rolando Villacorte, at Baliwag: Pamana at Kasaysayan na binuo niya kasama ang mga piling guro sa Lungsod ng Baliwag.
Sa antas ng mababang paaralan, nasungkit ni Misha Nicole V. Domingo ng Pinagbarilan Integrated School ang unang gantimpala. Nakuha naman ni Michiko Paige R. Cruz ng Tilapayong Elementary School ang ikalawang gantimpala, habang ikatlong gantimpala naman ang iginawad kay Francheska Joyce G. Cajucom.
Sa antas ng mataas na paaralan, muling namayagpag ang Pinagbarilan Integrated School matapos makuha ni Gwyn Lachelle S. Supan ang unang gantimpala. Samantala, ikalawang gantimpala ang napunta kay Angel Jullienne G. Llonado ng Sulivan National High School, habang ikatlong gantimpala naman ang nakamit ni Joyce Ann Q. Garin ng Teodoro Evangelista Memorial High School.
Sa kaniyang mensahe ng inspirasyon, hinikayat ni Abgd. Robert John I. Donesa, Tagapangasiwa ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag, ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang pagbabasa at pag-aaral ng kasaysayan, lalo na ang kasaysayan ng sariling lungsod.
Dagdag ni Abgd. Donesa na mahalaga ang kaalamang naipapasa mula sa isang salinlahi patungo sa susunod, sapagkat ang mga kabataan ngayon ang magiging mga pinuno at tagapagpanday ng kinabukasan ng Baliwag.
Samantala, binigyang-diin ni Gng. Rowena T. Quiambao, Tagapamanihala ng mga Paaralan ng Lungsod ng Baliwag, ang kahalagahan ng pag-aaral ng lokal na kasaysayan sa panahong malaki ang bahagi ng teknolohiya at mga gadyet sa buhay ng mga kabataan.
Ayon kay Gng. Quiambao, maaaring magsilbing mahalagang pagkakataon ang ganitong mga gawain upang muling mahikayat ang mga mag-aaral na pag-aralan ang kanilang lokal na kasaysayan at higit na maunawaan ang kanilang pinagmulan.
Isinagawa ang patimpalak sa magkatuwang na pangunguna ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag at ng Baliuag Cultural and Historical Association, Inc. (BCHAI). Layunin nitong higit na mahikayat ang mga kabataan na pag-aralan, pahalagahan, at ipagmalaki ang kasaysayan at pamanang pangkultura ng Baliwag.



