
Ang BTECH ay Tayo; Tayo ang BTECH: Pagdiriwang ng Teachers’ Day at Team Building Activity
Isinulat ni: Maricar A. De Guzman
BUSTOS, BULACAN — Matagumpay at masayang isinagawa ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) ang Team Building Activity and Teachers’ Day Celebration noong ika-24 ng Oktubre, 2026, sa Galilee Wonderland, San Pedro, Bustos, Bulacan, na may tawid na “Tanglaw ng Ilaw: Magkakaiba sa Husay, Nagkakaisa sa Layunin.” Pinag-isa ng pagtitipon kaguruan at kawanihan sa isang makabuluhang pagdiriwang na naglalayong palakasin ang pagkakaisa, pagtutulungan, at kamalayan sa kahalagahan ng bawat isa sa pag-unlad ng institusyon.
Binigyang-linaw ni Abgd. Robert John I. Donesa ang layunin ng mga politeknikong institusyon na tugunan ang mga pangangailangan ng pamayanan. Masasalamin ito sa paglinang ng iba’t ibang husay at talino ng mga mag-aaral gaya ng pampalakasan, pagsayaw, o pag-awit. Binigyang-halaga rin niya ang hangarin ng institusyon na gawing abot-kaya at, hangga’t maaari, walang bayad ang pag-aaral upang mabigyan ng lalong maraming pagkakataon ang mga mamamayan na makapagtamo ng mahusay na edukasyon. Kabilang din rito ang pagpapahalaga sa kabihasnang Tagalog, gayundin ang pagsusulong ng Online Distance

Larawan mula sa Tanggapan ng Kakayahang Pantao
Pagbibigay ng Pambungad na Mensahe ni Abgd. Robert John I. Donesa.
Dumalo rin sa pagtitipon si Konsehal Rodrigo “Ogie” Baltazar, na nagbahagi ng isang payak ngunit makahulugang paghahambing tungkol sa pagkakaiba-iba ng mga taong bumubuo sa Dalubhasaan. Para sa kaniya, maihahalintulad kaguruan at kawanihan sa isang bahaghari, bawat kulay ay may sariling katangian at kagandahan, subalit kapag nagsama-sama, lumilikha ang mga ito ng isang tanawing higit na kaakit-akit at makabuluhan. Samantala, nagpaabot ng mainit na pakikiisa ang Punong Lungsod na si Mayor Mommy Sonia Viceo-Estrella sa pagdiriwang sa pamamagitan ng paghahandog ng karagdagang mga premyo para sa mga kalahok.


Larawan mula sa Tanggapan ng Kakayahang Pantao
Pagbibigay ng Mensahe ni Kon. Rodrigo “Ogie” E. Baltazar (kaliwa), at ang larawan ng mga ipinadalang kinatawan ni Igg. Sonia Viceo-Estrella kasama ang ilang pamunuan ng Dalubhasaan. (kanan).
Bilang unang tagapagsalita, binigyang-diin ni Dr. Emiterio L. Tiburcio ang kahalagahan ng maayos at propesyonal na pagpapakita ng sarili ng bawat guro at kawani. Ipinaalala niya na ang asal, kilos, at pakikitungo ng mga lingkod ng Dalubhasaan ay sumasalamin hindi lamang sa kanilang pagkatao kundi maging sa imahe at reputasyon ng institusyong kanilang kinabibilangan.


Larawan mula sa Tanggapan ng Kakayahang Pantao
Pagtatalakay ni Dr. Emiterio L. Tiburcio sa mga kalahok ukol sa pagiging mahusay na guro (kaliwa), at ang larawan ni Gng. Myra B. Generoso kasama ang mga kalahok na nagsasayaw ng, “Hawak mo ang Beat” (kanan).
Sinundan ito ng talakayan ni Gng. Myra B. Generoso, guro at tagapamatnubay ng pampublikong paaralan na nakatuon sa kahalagahan ng mental health awareness bilang bahagi ng paggunita sa Mental Health Awareness Month tuwing Oktubre. Tinalakay ang pangangailangang pangalagaan ang kalusugang pangkaisipan, unawain ang sariling damdamin, at kilalanin ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta sa mga kasamahan upang mapanatili ang isang malusog, positibo, at maunawaing kapaligiran.
Sa ikalawang bahagi ng palatuntunan, naging tampok ang mga gawaing pampangkat kung saan hinati ang mga kalahok sa sampung pangkat upang lumahok sa iba’t ibang hamon gaya ng Human Machine, Blind Builder, at Mission Possible. Sa pamamagitan ng mga larong ito, nasubok ang tiwala, komunikasyon, pagkakaisa, pagkamalikhain, at kakayahan ng bawat pangkat na magtulungan upang makamit ang iisang layunin. Higit pa sa paligsahan, nagsilbing pagkakataon ang mga gawain upang mapalalim ang ugnayan ng kaguruan at kawanihan sa labas ng kanilang karaniwang tungkulin sa institusyon.
Sa kabuuan, muling pinagtibay ng pagdiriwang ang paniniwalang ang tagumpay ng BTECH ay nakasalalay sa sama-samang ambag ng bawat guro at kawani. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kakayahan, tungkulin, at iisa ang mithiin ng bawat isa—ang patuloy na pag-unlad ng Dalubhasaan at ang pagbibigay ng makabuluhan, walang pinipili, at mahusay na edukasyon sa lipunan.


Larawan mula sa Tanggapan ng Kakayahang Pantao
Ang presentasyon ng Pangkat Orange sa larong, Human Machine (kaliwa), at ang larawan ng Pangkat Apple Green na nagwagi ng Unang Gantimpala sa naganap na Team Building (kanan).
Sa diwa ng temang “Tanglaw ng Ilaw: Magkakaiba sa Husay, Nagkakaisa sa Layunin,” nagsisilbing paalala ang pagtitipon na ang bawat kasapi ng BTECH ay may mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan ng institusyon. Sa bawat serbisyong may malasakit, kasanayang ibinabahagi, at layuning sama-samang isinusulong, nananatiling buhay ang diwa ng pagkakaisa—ang BTECH ay tayo, at tayo ang BTECH.



