
Pampalakas ng Liderato: Tagumpay ng Leadership Training Seminar 2025
Isinulat ni: Ma. Theresa Z. Carpio
Sa pamamagitan ng mga diskusyon, napalalim ng mga kalahok ang kanilang kaalaman sa iba’t ibang estilo ng pamumuno at ang kahalagahan ng cultural sensitivity sa epektibong liderato. Ang mga aktibidad ay nagbigay-diin sa pagpapalakas ng camaraderie, pagtitiwala, at strategic thinking sa mga kabataang lider. Naging espesyal ang seminar dahil sa mga inspirational na talakayan mula sa mga kilalang tagapagsalita tulad ni Pastor Ralph Joash Briones na nagtalakay tungkol sa “Paglinang ng Wastong Pagpapahalaga sa Paghubog ng mga Pinuno ng Bukas,” at ni Konsehal Ron Harold “Bata” Cruz na nagbahagi ng mga paraan upang mapalakas ang mga lider-estudyante sa pagtataguyod ng kultura ng integridad at paglilingkod. Hindi rin nagpahuli si Dr. John Erick F. Cauzon, Dekano ng Instituto ng Edukasyon, na nagbigay ng kanyang pananaw sa “A-Z ng Tagumpay.”
Matagumpay na naisagawa ang Leadership Training Seminar 2025 noong Oktubre 2-3 sa Teomatenzo Resort, Dona Remedios Trinidad, Bulacan, na dinaluhan ng 60 na mga estudyante at lider ng organisasyon. Ito ay pinangunahan ng Tanggapan ng mga Serbisyong Pangpapaunlad ng mga Mag aaral sa pamumuno ni G. Emerson C. Perez. Katuwang sina Gng. Ma. Theresa Z. Carpio, Tagapamahala ng mga Gawaing Pangpapaunlad ng mga Mag aaral, G. Irving Q. Bautista, Tagapamahala sa Pagdidisiplina sa mga Mag aaral, at ang Sangguniang Mag aaral ng Dalubhasaan. Layunin ng seminar na palakasin ang kasanayan sa pamumuno, mapabuti ang komunikasyon, at itaguyod ang kultura ng patuloy na pagkatuto. Sa dalawang araw ng aktibidad, tampok ang mga makabuluhang talakayan, interaktibong pagsasanay, at mga aktibidad na naglalayong mapaigting ang teamwork at inclusivity.
Bukod sa mga pormal na talakayan, naging inspirasyon ang mga personal na kwento at motivational speeches na nag-udyok sa mga kalahok na ipatupad ang kanilang natutunan sa kanilang organisasyon at mga paaralan. Nagresulta ito sa mas malawak na pang-unawa hinggil sa pagiging bukas at mapagkalingang lider, na may malalim na paggalang sa iba’t ibang kultura at pananaw. Ipinapakita nito na ang epektibong liderato ay nagsisilbing susi sa mas maunlad at inklusibong komunidad.
Bilang bahagi ng rekomendasyon, pinayuhan ang pagpapatuloy ng mga follow-up na seminar, webinar, o mentoring programs upang mapanatili ang momentum ng pagkatuto. Inaasahan ding mas mapapalawak pa ang mga kakayahan ng mga lider sa mga susunod na seminar na nakatutok sa mas espesipikong kasanayan tulad ng conflict resolution at project management. Ang tagumpay ng nasabing aktibidad ay nagsisilbing hakbang tungo sa mas masigasig, mapanagot, at inclusive na pamumuno sa kanilang mga organisasyon at komunidad.



