Back

Lupon ng mga Katiwala ng BTECH, Nagpulong; Bagong Kinatawan ng Mag-aaral, Nanumpa

Isinulat ni: Reyna Rodie Lyn Cruz


BALIWAG, BULACAN — Isinagawa ang isang natatanging pagpupulong ng Lupon ng mga Katiwala ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) noong Setyembre 17, 2026 sa Bulwagan ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag.

Nanumpa si G. John Lee R. Garcia, bagong halal na Pangulo ng Sangguniang Mag-aaral, bilang kinatawan ng mga mag-aaral sa Lupon ng mga Katiwala sa isinagawang pagpupulong. Sa kaniyang pananalita, hinikayat ni Abgd. Robert John I. Donesa ang bagong kinatawan na gawing panimulang hakbang ang kaniyang mga tungkulin sa Sangguniang Mag-aaral at sa Lupon tungo sa lalong makabuluhang paglilingkod sa bayan.

Bukod dito, tinalakay ng Lupon ang ilang mahahalagang usaping may kaugnayan sa operasyon at pananalapi ng Dalubhasaan. Kabilang dito ang paglalaan ng karagdagang gugulin para sa pasahod para sa kasalukuyang taon, gayundin ang paglalaan ng gugulin para sa mga bayaring pangkalusugan noong 2023.

Pinagtibay rin ng Lupon ang panukalang halagang sisingilin sa mga mag-aaral ng Lalong Mataas na Paaralan (SHS) bilang bahagi ng mga usaping may kaugnayan sa mga pangangailangan at palatuntunan ng paaralan.

Samantala, ibinalita ni G. Melville A. Meniego, Pangulo ng Samahan ng mga Guro ng BTECH, ang muling pagsasagawa ng “Paskwela,” isang gawaing tampok ang pagtatanghal ng mga guro na naglalayong makalikom ng karagdagang gugulin ng samahan.

Napag-usapan din sa pagpupulong ang pagpapatibay sa mga katungkulang bubuksan sa plantilla, na inaasahang magiging bahagi ng usapin sa susunod na pagpupulong ng Lupon.

Nakatakda namang gaganapin ang susunod at huling pangkaraniwang pagpupulong ng Lupon ng mga Katiwala sa Oktubre 6, 2026, kung saan muling tatalakayin ang mga nakabinbing usapin at iba pang mahahalagang bagay tungo sa patuloy na pagpapaunlad ng Dalubhasaan.

Leave A Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *