Back

BTECH Aspins Nakiisa sa BUCAA Season 3 Opening; Pep Squad Nagtapos Bilang 2nd Runner-Up

Isinulat ni: Mark David Solis


MALOLOS CITY, BULACAN — Nakiisa ang Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) Aspins sa pagbubukas ng ikatlong season ng Bulacan University and Collegiate Athletic Association (BUCAA) noong Biyernes, Setyembre 18, 2026, sa Bulacan Capitol Gymnasium (KB Gym), Malolos City, Bulacan.

Tampok sa opening ceremony ang pagpapakilala sa mga delegasyon mula sa 31 kolehiyo at unibersidad sa lalawigan ng Bulacan na lalahok sa iba’t ibang kompetisyon ngayong season.

Kinatawan ng BTECH Aspins ang institusyon sa mga kategoryang cheerdance, basketball, at volleyball. Kasama rin sa opening ceremony si Roanne Claire Cunanan, na kumatawan sa BTECH sa Best in Muse competition bilang muse ng basketball team.

Sa cheerdance competition, nagtapos ang BTECH Aspin Pep Squad bilang 2nd runner-up matapos makakuha ng 223 puntos, habang nakuha rin nito ang Best in Uniform award na may markang 93.67%.

Ang BTECH Aspin Pep Squad ay pinangunahan ng kanilang coach na si Marie Michaela T. Lising, kasama ang team captain na si Rashid Allen Casidsid. Ilang linggo ring naghanda ang grupo para sa kompetisyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasanay na nakatuon sa execution at koordinasyon ng kanilang routine.

Ang paglahok ng BTECH Aspins sa BUCAA Season 3 ay isinagawa sa pamumuno ni G. Emerson C. Perez, Pinuno ng Tanggapan ng mga Serbisyong Pangpapaunlad ng mga Mag-aaral (OSDS), at sa suporta ni Abogado Robert John I. Donesa, JD., Pangulo at Tagapangasiwa ng Dalubhasaan.

Samantala, nakatakda ring lumahok ang BTECH Aspins sa basketball at volleyball tournaments ng BUCAA Season 3. Nasa Bracket B ang BTECH sa Men’s Basketball, habang kabilang naman ito sa Bracket D para sa Women’s Volleyball.

Nakatakdang magsimula ang mga sports tournament sa Setyembre 21, kung saan haharap ang mga kinatawan ng iba’t ibang institusyon sa kani-kanilang brackets sa basketball at volleyball.

Sa pagtatapos ng cheerdance competition, muling nasungkit ng Colegio de San Gabriel Arcangel (CDSGA) ang championship matapos makakuha ng 257 puntos. Pumangalawa ang Bulacan Polytechnic College (BPC) na may 232 puntos, habang nagtapos sa ikatlong puwesto ang La Concepcion College (LCC) na may 198.5 puntos.

Sa Best in Muse competition para sa Senior division, kinilala naman bilang Best in Muse ang kinatawan ng STI College Sta. Maria Campus na nakakuha ng 95.33%.

Sa pamamagitan ng BUCAA Season 3, muling nagtipon ang mga student-athletes mula sa iba’t ibang institusyon sa Bulacan upang katawanin ang kani-kanilang paaralan sa mga larangang pampalakasan at iba pang kompetisyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *