Back

BTECH, Pinagtibay ang Pakikipag-ugnayan sa BJMPRO-III para sa mga Programa ng Rehabilitasyon ng mga PDL

Isinulat ni: Bb. Jade Milgrace E. Enriquez


LUNGSOD NG SAN FERNANDO, PAMPANGA — Muling pinagtibay ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) ang paninindigan nito sa paglilingkod sa pamayanan at pakikiisa nito sa mga programa para sa rehabilitasyon at pagbabagong-buhay ng Persons Deprived of Liberty (PDL) sa pamamagitan ng Paglagda at Pagpapanibago ng Panrehiyong Kasunduan sa Pagkakaunawaan (MOA) sa pagitan ng Bureau of Jail Management and Penology Regional Office III (BJMPRO-III) at ng mga katuwang nitong tagapagkaloob ng paglilingkod noong ika-30 ng Oktubre 2026 sa San Fernando District Jail, Lungsod ng San Fernando, Pampanga. Kinatawan ang Dalubhasaan sa nasabing palatuntunan nina Abgd. Robert John I. Donesa, Pangulo ng Dalubhasaan, at Dr. Reina Torres-Payongayong, Dekano ng Instituto ng Teknolohiya ng Impormasyon at Pagbabago.

Larawang mula kay Bb. Jade Milgrace E. Enriquez
Ang kinatawan ng Dalubhasaan na sina Abgd. Robert John I. Donesa, Pangulo ng Dalubhasaan, at Dr. Reina Torres-Payongayong, Dekano ng Instituto ng Teknolohiya ng Impormasyon at Pagbabago, kasama ang pamunuan ng BJMPRO-III na sina JSSUPT Erwin B. Breis, Acting Assistant Regional Director for Operations at Tagapangulo ng Regional Accreditation Board (RAB), at JSSUPT Jerome D. Verbo, Assistant Regional Director

Sa ilalim ng kasunduan, pormal na pinagtibay ang papel ng BTECH bilang katuwang na tagapagkaloob ng mga paglilingkod na nagtataguyod ng pangangalaga ng kapakanan ng mga PDL, at ng mga programang huhubog ng mga pagpapahalagang makatutulong sa kanilang rehabilitasyon at muling pakikibahagi sa lipunan. Patunay ito ng paniniwala ng Dalubhasaan na ang edukasyon at paglilingkod ay nararapat na maabot maging ng mga taong na sa likod ng rehas.

Pormal na lumagda ang Dalubhasaan sa kasunduan kasabay ng labing-isang (11) iba pang institusyon mula sa sektor ng edukasyon, relihiyon, at sibikong organisasyon. Kabilang sa mga ito ang Bataan Peninsula State University at National University Baliwag.

Para sa pamayanan ng Dalubhasaan, ang pakikipag-ugnayang ito ay higit pa sa isang pormal na paglagda ng isang kasunduan. Isa itong matibay na pangako ng Dalubhasaan na magbahagi ng kaalaman, kasanayan, at malasakit sa mga PDL ng pagkakataong magbagong-buhay, muling makapagsimula, at makapaghanda para sa lalong maayos na kinabukasan.

Leave A Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *