Back

BTECH MAKABAYAN, Kinilala bilang Outstanding Historical, Arts, Cultural, Tourism Association sa BET Awards 2026

Isinulat ni: G. Benjamin M. Casi


Noong ika-12 ng Nobyembre taong 2026, ginanap sa Nicanor Abelardo Auditorium, Hiyas ng Bulacan Cultural Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan ang Gawad Singkaban: Bulacan Excellence in Tourism (BET) Awards 2026 sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, katuwang ang Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office (PHACTO). Layunin ng BET Awards 2026 na kilalanin ang mga indibidwal at organisasyong may mahalagang ambag sa pagtataguyod ng sining, kultura, kasaysayan, at turismo sa lalawigan ng Bulacan.

Larawan mula kay G. Benjamin M. Casi
Ang pagtanggap ng parangal ng BTECH Makabayan kasama ang pamunuan ng PHACTO (mula sa kaliwa hanggang kanan): G. James Santos, kinatawan ni Igg. Daniel R. Fernando; Bb. Antonia V. Constantino, Tagapangasiwa ng Pamahalaang Lalawigan ng Bulacan; G. Benjamin M. Casi, Tagapagtatag ng BTECH Makabayan; G. Giovanni E. Labao, Tagapayo ng BTECH Makabayan; G. Ezekiel Baez, Pangulo ng BTECH Makabayan; Abgd. Robert John I. Donesa, Pangulo ng Dalubhasaan; at G. Limuel Jan J. Lobederio, Nanunuparang Pinuno ng PHACTO.

Ipinagkaloob ang parangal na Outstanding Historical, Arts and Cultural, Tourism Association Award 2026 sa BTECH Makabayan (Mag-aaral ng Kasaysayan ng Bayan), isang samahan ng mga mag-aaral mula sa Batsilyer ng Sining sa Kasaysayan ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag. Kinilala ang kanilang mga inisyatiba at ambag sa pagtataguyod ng kasaysayan upang mapalakas ang turismo sa lalawigan. Kabilang sa mga ito ang pagsasagawa ng mga lakbay-aral, pakikilahok sa mga komemorasyon, at pagdaraos ng mga pangkasaysayang lektura at palihan.

Ang seremonya ng paggawad ay dinaluhan nina Abgd. Robert John I. Donesa, Tagapangasiwa ng Dalubhasaan; G. Ezekiel Baez, Pangulo ng BTECH Makabayan; G. Giovanni E. Labao, Tagapayo ng BTECH Makabayan; at G. Benjamin M. Casi, Tagapagtatag ng BTECH Makabayan.

“Ang pagkilalang ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga kasalukuyan at dating miyembro, mga tagapayo, katuwang, at mga taong patuloy na sumusuporta sa layunin ng organisasyon na palaganapin at pangalagaan ang kasaysayan at kulturang Bulakenyo,” ayon sa pahayag ng BTECH Makabayan.

Ang tagumpay na ito ay patuloy na magsisilbing inspirasyon sa BTECH Makabayan upang lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang mga proyekto at dedikasyon sa pagtataguyod ng mayamang pamana, kultura, at kasaysayan ng lalawigan para sa mga susunod na henerasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *