
BTECH, Aktibong Lumahok sa ALCU R3 Board Meeting 2025
Isinulat ni: Ma. Theresa Z. Carpio
Dumalo at naging tampok ang delegasyon ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) sa matagumpay na ALCU R3 Board Meeting na ginanap noong Nobyembre 13, 2025 sa Guagua Community College, Pampanga. Pinangunahan ang delegasyon ni Abogado Robert John I. Donesa, Pangulo at Tagapangasiwa ng Dalubhasaan, kasama sina G. Emerson C. Perez (Pinuno ng Tanggapan ng mga Serbisyong Pagpapaunlad ng mga Mag-aaral), G. Berlan V. Calachan (Tagapag-ugnay sa Pagpapaunlad ng Gawaing Pampalakasan), at G. Irving Q. Bautista (Tagapamahala sa Pagdidisiplina ng mga Mag-aaral sa Kolehiyo). Ang kanilang presensya ay nagsilbing patunay ng aktibong pakikiisa ng BTECH sa mga programang pang-rehiyon at pagpapaunlad ng sektor ng lokal na edukasyon.
Naging espesyal ang pagpupulong sa pagbibigay-pugay kay former CHED Region 3 Director Dr. Lora L. Yusi, kung saan bawat pangulo mula sa iba’t ibang Local Colleges and Universities ay nagbahagi ng kanilang mensahe bilang pagkilala sa natatanging kontribusyon ng dating direktor. Kabilang dito ang mensaheng ipinahayag ng BTECH sa pangunguna ni Abogado Donesa, na nagpahatid ng pasasalamat at pagkilala sa mga repormang ipinundar ni Dr. Yusi para sa mas mataas na kalidad ng edukasyon sa Gitnang Luzon.
Tinalakay din sa pulong ang mahahalagang usapin gaya ng pagpapatibay ng minutes mula sa nakaraang pagpupulong, pagharap sa mga napapanahong isyu, at presentasyon mula sa iba’t ibang komite hinggil sa international collaboration, research initiatives, community engagement, at programa sa kultura at palakasan.



